SA PANAHON natin nangyayari ang mga
kagila-gilalas na bagay sa antas na hindi pa naganap noon. Napipilitan ang mga
astronomo na baguhin ang kanilang pangmalas hinggil sa pinagmulan ng ating
uniberso dahil sa bagong mga tuklas sa kalawakan. Namamangha ang maraming tao
sa uniberso at nagbabangon ng sinaunang mga katanungan dahil sa ating pag-iral
dito: Paano umiral ang uniberso at ang buhay at bakit?
Kahit na ibaling pa natin ang ating
pansin sa ibang bagay—sa atin mismong sarili—ang kamakailang masugid na
pagsisiyasat sa henetikong kodigo ng tao ay nagbabangon ng mga tanong na: Paano
nalalang ang katakut-takot na dami ng mga anyo ng buhay? At sino ang lumalang
sa mga ito, kung mayroon man? Ang labis na pagkamasalimuot ng ating henetikong
kayarian ang nag-udyok sa pangulo ng Estados Unidos para sabihin na “nalalaman
natin ang henetikong kodigo ayon sa paraan ng pagkalalang ng Diyos sa buhay.”
Isa sa pangunahing mga siyentipiko na kasama sa pag-aaral ng henetikong
kayarian ng tao ang may kapakumbabaang nagsabi: “Kakaunti pa lamang ang
natutuklasan natin tungkol sa impormasyong nasa ating mga gene mismo, na Diyos lamang ang nakaaalam noon.”
Subalit nananatili ang mga katanungan—paano at bakit?
“Dalawang Bintana”
Sinasabi ng ilang siyentipiko na ang
lahat ng galaw ng uniberso ay maipaliliwanag ng makatuwirang pag-aanalisa,
anupat walang puwang para sa karunungan ng Diyos. Subalit maraming tao, kasali
na ang mga siyentipiko, ay naaasiwa sa pangmalas na iyan. Sinusubok nilang
unawain ang realidad sa pamamagitan ng pagsusuri kapuwa sa siyensiya at
relihiyon. Inaakala nila na ipinaliliwanag ng siyensiya kung paano naganap ang
pag-iral natin at ng uniberso, samantalang pangunahin namang ipinaliliwanag ng
relihiyon kung ano ang layunin ng pag-iral nito.
Bilang pagpapaliwanag sa dalawang
paraang ito, ganito ang sabi ng pisikong si Freeman Dyson: “Ang siyensiya at
relihiyon ay dalawang bintana na siyang sinisilip ng mga tao upang maunawaan
ang malawak na uniberso.”
“Binibigyang-pansin ng siyensiya ang
tiyak na sukat at bilang ng mga bagay, binibigyang-pansin naman ng relihiyon
ang di-masukat, di-mabilang at di-malirip na mga bagay,” ang sabi ng awtor na
si William Rees-Mogg. Ang sabi niya: “Hindi mapatutunayan o mapabubulaanan ng
siyensiya ang pag-iral ng Diyos, kung paanong hindi mapatutunayan o mapabubulaanan
nito ang anumang moral na pamantayan o artistikong ideya. Walang
pangangatuwiran sa siyensiya na ibigin ng isa ang kaniyang kapuwa o igalang ang
buhay ng tao . . . Ang mangatuwiran na walang umiiral na bagay na
hindi mapatutunayan sa makasiyensiyang paraan ang pinakahangal sa lahat ng
pagkakamali, na mag-aalis sa halos lahat ng bagay na pinahahalagahan natin sa
buhay, hindi lamang ang Diyos o ang intelektuwal na kakayahan ng tao, kundi ang
pag-ibig at tula at musika.”
Ang “Relihiyon” ng Siyensiya
Malimit na waring nakasalig ang mga
teoriya ng mga siyentipiko sa mga palagay na nakakatulad ng pinaniniwalaan nila
mismo. Halimbawa, kung tungkol sa pinagmulan ng buhay, karamihan sa mga
naniniwala sa ebolusyon ay sumusunod sa mga ideya na nangangailangan ng
paniniwala sa ilang “doktrina.” Nahahaluan ng mga teoriya ang makatotohanang
mga bagay. At kapag ginamit ng mga siyentipiko ang impluwensiya ng kanilang
awtoridad upang igiit ang bulag na paniniwala sa ebolusyon, ang totoo, sinasabi
nila: ‘Hindi ka mananagot sa iyong moral na paggawi sapagkat ikaw ay bunga
lamang ng biyolohiya, kemistri, at pisika.’ Sinabi ng biyologong si Richard
Dawkins na sa uniberso ay ‘walang disenyo, walang layunin, walang masama at
walang mabuti, walang anuman kundi walang-saysay na pagwawalang-bahala.’
Para maitaguyod ang gayong mga
paniniwala, ipinagkikibit-balikat na lamang ng ilang siyentipiko ang malawak na
pananaliksik ng ibang mga siyentipiko na sumasalungat sa teoretikal na mga
saligan ng kanilang mga teoriya hinggil sa pinagmulan ng buhay. Kahit na
palipasin pa natin ang bilyun-bilyong taon, lumilitaw na imposibleng
maipaliwanag ng matematika ang nagkataon lamang na pagkabuo ng masalimuot na
molekula na kinakailangan upang mabuo ang isang kapaki-pakinabang at buháy na selula.* Sa
gayon, ang dogmatikong mga teoriya hinggil sa pinagmulan ng buhay na lumilitaw
sa maraming aklat-aralin ay dapat na ituring na walang kabuluhan.
Ang maniwala na nagkataon lamang ang
buhay ay nangangailangan ng higit na pananampalataya kaysa sa paniniwala sa
mismong nilalang. Ganito ang sabi ng astronomong si David Block: “Ang isang tao
na hindi naniniwala sa isang Maylalang ay nangangailangan ng higit na
pananampalataya kaysa sa isang tao na nagtataglay na nito. Sa pagsasabing hindi
umiiral ang Diyos, ipinapahayag ng isang tao ang isang panlahatan at di-tiyak
na bagay—isang teoriya na nakasalig sa pananampalataya.”
Maaaring mapukaw ang may-pagpipitagang
saloobin ng ilang siyentipiko dahil sa mga tuklas ng siyensiya. Inamin ni
Albert Einstein: “Mahirap kang makasumpong ng paham na mga siyentipiko na
walang sariling relihiyosong paniniwala. . . . Lumalabas ang
relihiyosong damdamin dahil sa nalilipos ang isa ng pagkamangha sa
pagkakasuwato ng batas ng kalikasan, na nagsisiwalat ng isang sukdulang talino
anupat, kung ihahambing sa katalinuhang ito, ang lahat ng sistematikong
kaisipan at ginagawa ng mga tao ay isa lamang lubusang mababang-uri ng panggagaya.”
Subalit, hindi inaakay ng saloobing ito ang mga siyentipiko para maniwala sa
isang Maylalang, sa isang personal na Diyos.
Ang mga Limitasyon ng Siyensiya
Angkop lamang na magkaroon ng tamang
paggalang sa makasiyensiyang kaalaman at mga tagumpay nito. Gayunman, marami
ang sasang-ayon na bagaman kasali sa siyensiya ang isang paraan ng pag-alam sa
bagay-bagay, hindi ito ang tanging pinagmumulan
ng kaalaman. Ang layunin ng siyensiya ay mailarawan ang kababalaghang
nangyayari sa daigdig ng kalikasan at makatulong na masagot kung paano nangyayari ang di-pangkaraniwang mga bagay
na ito sa kalikasan.
Binibigyan tayo ng siyensiya ng
malalim na kaunawaan hinggil sa pisikal na uniberso, na ang ibig sabihin ay
hinggil sa lahat ng bagay na nakikita. Subalit gaano man kalalim ang gawing
pagsasaliksik sa siyensiya, hindi nito kailanman masasagot ang katanungan
tungkol sa layunin—una sa lahat ay kung bakit umiiral ang uniberso.
“May mga katanungan na hindi
kailanman masasagot ng mga siyentipiko,” ang sabi ng awtor na si Tom Utley.
“Baka nga nangyari ang Big Bang 12 bilyong taon na nakalilipas. Subalitbakit ito nangyari? . . . Una sa lahat,
paano lumitaw ang mga tipik na ito? Ano ang umiiral bago nito?” Ang konklusyon
ni Utley: “Waring mas maliwanag . . . na hindi kailanman
mabibigyang-kasiyahan ng siyensiya ang masidhing paghahangad para sa mga
kasagutan.”
Ang pagkakaroon ng kaalaman sa
siyensiya sa pamamagitan ng gayong pagkamausisa, na hindi naman kailangang
pabulaanan ang pangangailangan para sa isang Diyos, ay tumitiyak lamang sa
labis-labis na kasalimuutan, pagiging mahirap unawain, at pagiging
kamangha-mangha ng daigdig na ating tinitirhan. Sinasabi ng maraming palaisip
na mga tao na waring kapani-paniwala namang isipin na ang pisikal na mga batas
at kemikal na mga reaksiyon gayundin ang DNA at ang kahanga-hangang
pagkakasari-sari ng buhay ay pawang nagpapakita na may isang Maylalang. Hindi
matututulan ang patotoo na mayroong Maylalang.
‘May Katotohanan ang
Pananampalataya’
Kung may isang Maylalang na lumikha
ng uniberso, hindi tayo makaaasa na mauunawaan natin siya o ang kaniyang mga
layunin sa paggamit ng mga teleskopyo, mikroskopyo, o ng iba pang instrumento
sa siyensiya. Isipin ang isang magpapalayok at ang plorera na kaniyang ginawa.
Hindi masasagot kung bakit ito ginawa gaano mang pagsusuri ang gawin sa
plorera. Para masagot iyan, kailangan nating tanungin ang magpapalayok mismo.
Ipinaliliwanag ng molecular biologist na si Francis Collins kung
paano pinupunan ng pananampalataya at espirituwalidad ang kahungkagan na
nalilikha ng siyensiya: “Hindi ko sinasabi na ang relihiyon ang tamang paraan
upang maunawaan ang pagkakasunud-sunod ng kemikal na kayarian ng henetikong
kodigo ng tao at hindi ko rin naman sinasabi na ang siyensiya ang paraan upang
matamo ang kaalaman tungkol sa sobrenatural. Pero kung tungkol sa talagang
mahahalagang katanungan, gaya ng ‘Bakit tayo naririto?’ o ‘Bakit nauuhaw sa
espirituwal na mga bagay ang mga tao?,’ hindi nagbibigay ng kasiya-siyang sagot
ang siyensiya kung para sa akin. Maraming pamahiin ang lumilitaw at pagkatapos
ay naglalaho. Hindi ganiyan ang pananampalataya, na nagpapahiwatig na ito’y
makatotohanan.”
Kung Bakit Nilikha ang Uniberso
at ang Buhay
Ang totoong relihiyon, na sumasagot
sa kung bakit nilikha ang mga bagay at kung ano ang layunin ng buhay, ay
nagtatakda rin ng mga simulain, moral na pamantayan, at etika gayundin ng
patnubay sa buhay. Sa ganitong paraan ipinahayag ito ng siyentipikong si Allan
Sandage: “Hindi ako bumabaling sa aklat ng biyolohiya upang malaman kung paano mamuhay.”
Nadama ng milyun-milyong tao sa
palibot ng daigdig na kanilang nasumpungan kung saan sila babaling upang
matutuhan kung paano mamuhay. Nadama rin nila na kanilang nasumpungan ang tunay
na nakasisiyang mga sagot sa mga tanong na: Bakit tayo narito? Ano ang
naghihintay sa atin sa kinabukasan? May sagot naman dito. Subalit nasaan? Nasa
pinakamatanda at pinakamalawak na naipamahaging sagradong kasulatan, ang
Bibliya.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na
inihanda ng Diyos ang lupa na talagang nilayon niya para sa mga tao. Ganito ang
sabi ng Isaias 45:18 hinggil
sa lupa: ‘Hindi ito nilalang ng Diyos na walang kabuluhan kundi inanyuan ito
upang tahanan.’ At inilaan niya sa lupa ang lahat ng bagay na kakailanganin ng
mga tao, hindi para basta mabuhay lamang kundi para masiyahan din nang lubusan
sa buhay.
Courtesy Post
--> http://wol.jw.org/tl/wol/d/r27/lp-tg/102002402
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento