SA PANAHON natin nangyayari ang mga
kagila-gilalas na bagay sa antas na hindi pa naganap noon. Napipilitan ang mga
astronomo na baguhin ang kanilang pangmalas hinggil sa pinagmulan ng ating
uniberso dahil sa bagong mga tuklas sa kalawakan. Namamangha ang maraming tao
sa uniberso at nagbabangon ng sinaunang mga katanungan dahil sa ating pag-iral
dito: Paano umiral ang uniberso at ang buhay at bakit?
Kahit na ibaling pa natin ang ating
pansin sa ibang bagay—sa atin mismong sarili—ang kamakailang masugid na
pagsisiyasat sa henetikong kodigo ng tao ay nagbabangon ng mga tanong na: Paano
nalalang ang katakut-takot na dami ng mga anyo ng buhay? At sino ang lumalang
sa mga ito, kung mayroon man? Ang labis na pagkamasalimuot ng ating henetikong
kayarian ang nag-udyok sa pangulo ng Estados Unidos para sabihin na “nalalaman
natin ang henetikong kodigo ayon sa paraan ng pagkalalang ng Diyos sa buhay.”
Isa sa pangunahing mga siyentipiko na kasama sa pag-aaral ng henetikong
kayarian ng tao ang may kapakumbabaang nagsabi: “Kakaunti pa lamang ang
natutuklasan natin tungkol sa impormasyong nasa ating mga gene mismo, na Diyos lamang ang nakaaalam noon.”
Subalit nananatili ang mga katanungan—paano at bakit?
“Dalawang Bintana”
Sinasabi ng ilang siyentipiko na ang
lahat ng galaw ng uniberso ay maipaliliwanag ng makatuwirang pag-aanalisa,
anupat walang puwang para sa karunungan ng Diyos. Subalit maraming tao, kasali
na ang mga siyentipiko, ay naaasiwa sa pangmalas na iyan. Sinusubok nilang
unawain ang realidad sa pamamagitan ng pagsusuri kapuwa sa siyensiya at
relihiyon. Inaakala nila na ipinaliliwanag ng siyensiya kung paano naganap ang
pag-iral natin at ng uniberso, samantalang pangunahin namang ipinaliliwanag ng
relihiyon kung ano ang layunin ng pag-iral nito.
